Conversations With You

Bihira ang makatagpo ka ng isang tao o isang lugar na iyong matatawag na Tahanan. Ang sabi nga sa ingles, Home.

Kaya ituring mo ang sarili mong mapalad kapag natagpuan mo ito.

Ito yung tahanan na hahayaan kang lumipad nang hindi kinikitil ang iyong pangarap.

Yung tahanan na sa tuwing hindi mo na alam kung saan ka pupunta ay hindi ka mangingiming balikan ang kanyang bukas na mga bisig.

Yung tahanan na yayakapin ka ng mahigpit kapag lahat ng kalamnan mo ay masakit at ang iyong puso ay winasak ng pag-ibig.

Ang tahanan na kapag ikaw ay lumuluha ay papawiin niya ang lungkot, pakakalmahin ang unos, at ibabalik ang katahimikan ng iyong kalooban.

Ang tahanan na kahit saan ka pa makarating ay sigurado kang mababalikan mo ng walang dalawang-isip o dudang hindi ka niya yayakapin pabalik.

Pinili ko siya noong una ko pa man siyang nakita.

Maswerte ako dahil pinili niya rin ako.

At gaya nga ng nasabi ko sa unang conversation sa page na ito:

Habang-buhay akong mapalad dahil hindi sa lahat ng panahon ay pinipili ng bawat nagmamahal ang isa’t isa.

***

Ang Conversations With You ay ilan sa mga kwentuhan namin sa tuwing magkikita at magkasama kami.

Minsan masaya.

Minsan malungkot at may luha.

Minsan tahimik at may mahigpit na yakap.

Minsan kahit ano basta kasama lang ang isa’t isa kahit matagal.

***

P.S. Ang kabuuan: https://iamabi.wordpress.com/2013/04/29/kung-sakali/