Ilang Beses Ba Dapat Magsimula?

Sa nakalipas na dekada, hindi ko na mabilang kung ilang beses ako nagsimula ulit. Mapa-trabaho, pag-aaral, pag-ibig, or kahit kasing simple lang ng pagsusulat at pag-update ng blog ko, ilang beses na akong nagtangkang magsimula, muli.

Pero sa bawat subok, palagi akong binabati ng sablay sa dulo. Maya’t maya, nakikita ko ang sarili ko na kailangan ulitin mula simula lahat.

Sa totoo lang, umabot ako sa punto na napagod na ako. Yung punto na tahimik kong sinigawan ang utak ko ng Ayoko na! Bahala ka na dyan! Yung tipong nawala na lahat ng gana ko para pulutin yung sarili ko at maglakad pabalik, papunta sa simula.

Siguro, yun yung nakakatakot sa pagsisimula muli. Back to zero.

Hindi mo alam kung ano ang mangyayari,

Kung makakaya mo bang malampasan yung mga pagsubok na daraanan mo,

Lalo na yung thought na matatapos ko na ba ito this time around.

Kaya nga siguro karamihan sa atin, takot na takot magsimula muli.

Dahil walang kasiguraduhan. Kung lahat sana ng bagay at tyansa ay may kasiguraduhan, walang mangingiming bumalik sa simula. Hindi ba?

Ilang beses nga ba dapat magsimula?

Wala naman yatang tinakdang bilang kung ilang beses lang. O siguro ang pinakamalapit na tiyak na kasagutan ay:

Hanggang kaya mong magsimula…

Hanggang ikaw ay gumigising sa umaga kahit walang katiyakan kung ano ang hatid ng araw…

Hanggang pinupulot mo ang sarili mo sa kung anumang kamalasan na kinahantungan ng nakaraan mong simula…

Magsimula ka. Kasama ng mga natutunan mo sa mga nakaraan mong simula.

Hanggang sa wakas, maabot mo na ang iyong tinatanging kabuuan ng iyong pagsisimula.   

***

Kaya heto, alam ko, makailang beses ko nang nasabi na magsusulat ako ulit at bubuhayin itong blog na ito.

At makailang ulit na rin akong pumalya sa pangako sa sarili na yan.

Pero magsisimula ako ulit. Sisikapin kong sumulat ng mas madalas.

Heto na.

Tara, basa na ulit?

Mag-iwan ng puna